Sige na nga. Ikaw lang din naman ang makaka intindi nito.

May nakausap akong tutubi. Dumapo, parang tayo lang din siya magsalita… mag-isip… mangarap. Diskarte lang sila nagka-iba.

“Huy.”

Napanaginipan ko pa ito. Pulang tutubing karayom. Naghahabol kami ng mga paru-paro. Gumising tayo at pumasok sa simbahan. Nagliwaliw sa may kalsada. Bago ako makauwi nang araw na iyon may napansin ako: May pulang tutubing karayom na naka dapo sa kamay ni Mama Mary.

“Psst.”

Natulog tayo pagkauwi at nagising ulit nang hapon. Nagluto nang pansit canton, at sa labas nakakita ulit ng tutubi.

Ano bang meron?

Alam ko hindi ka naniniwala sa mga pamihiin at kung meron man itong katumbas; hindi ko ito alam. Baka hindi ko na rin into aalamin.

Nakausap ko ulit ang tutubi. Ang dami naming napag-usapan kala mo ba?

Pero ako’y isang paru-paro…

“Psst… Huy!” may di pamilyar na boses na kumalabit sa bata.

Gumising ang batang lalake mula sa pwesto niya sa see-saw. May batang babae kasi na gumising sa kanya. Lumingon siya sa kanyang paligid, hapon na pala. Napasarap ang kanyang munting siesta.

“Ano yun?” tanong siya. Medyo napapahikab pa siya habang nagkakamot ng kaniyang tiyan.

“Kanina ka pa kita ginigising pero di ka naman umiimik.”

Nagkatinginan ang dalawa. Ito ang unang alaala ni Boyet kay Weng. Simula noon, ang palayaw niya kay Weng ay naging Tutubi, at madalas silang nanghuhuli noon nang paru-paro sa parang. Naging tambayan nila ang lumang gulong na ginawang swing ni Mang Isko. Siya ung taga walis nang mga dahon noon sa palaruan kahit walang nagbabayad sa kanya.

“Kaya magpakabait kayo.” and tanging niyang bilin palagi.

Si Boyet ay ang tipong batang mahilig magtanong. Nahiligan niyang magbilang nang barya dahil may pinag-iipunan ito. Si Weng naman ay isang malambing at mapaglarong bata. Minsan ay hindi nila alam kung bakit sila nagkakasundo.

“Ayan na ang tutubing karayom oh!”

Hapon na noon. Halos apat na oras na silang nagtatakbuhan sa mga damuhan. Nanghuhuli sila ng mga tutubi at paru-paro tapos pinapakawalan din nila. Nang nagkulay pula na ang langit, pareho silang nakahiga sa damo. Masarap ang hangin noon at ang mga tutubi; na hindi nila alam kung saan nanggaling, ay dumami nang husto.

“Ang tataas pala nilang lumipad. Akala ko mababa lang ang mga lipad nang mga iyan?” tanong ni Weng.

“Pag ganitong hapon mataas na ang lipad nila. Dahil na rin siguro sa hangin. Ganitong oras wala ka na gaanong mahuhuli… pero sa ganitong oras mo lang din silang makikita na ganito kaganda.”

“Ang ganda ganda pala talaga nila ano? Ngayon lang ako nakakita nang ganito kadami. Naiinis pa nga ako na tinawag mo akong tutubi eh.”

May dumapo na pulang tutubing karayom sa isang matangkad na damo malapit sa ulo ni Boyet. At napangiti na lang ito.

“Bakit hindi mataas ang lipad nang mga paru-paro?” tanong ulit si Weng.

“Dahil siguro natatakot silang makarga nang hangin. Hindi sila makalipad nang ganyan kataas.” sagot ni Boyet, kahit alam niyang hindi siguro ito ang rason.

“Baka kasi mataba sila. Ikaw na lang si Paru-Paro.” biro ni Weng.

“Kasing payat mo oh.” Tinuro ni Boyet ang tutubing karayom. Nagtawanan na lang sila.

Natatandaan ni Weng ang araw na iyon. Nagpapaturo siyang manghuli nang paru-paro dahil mas madali nga naman itong huliin kaysa sa tutubi. Laging bilin ni Boyet na dahan dahan lang sa pagsara nang kamay dahil nabubura ang kulay nang mga pakpak nito. Pinakita niya kung paano manghuli. Dahan-dahan at hindi mariin. Hayaan mong ito’y lumapit sa iyo. Binilin din niyang lahat nang bagay, pag kinulong ay nalulungkot. Kaya dapat pinakakawalan.

Naging matalik silang magkaibigan buhat nang mga taon at madalas silang magkita sa may gulong tuwing hapon para manuod ng mga tutubi. Tumuloy tuloy ito habang sila ay lumaki. Unti unting lumiit ang parang dahil sa mga nagsusulputang mga bahay at gusali. Mga kalsada tumagos sa dati nilang dinadaanan dahil gumaganda na ang munti nilang barangay. Tanging ang puno na lamang (dahil nasa likod nga ito nang palaruan) ang natira at ang gulong.

Hindi sinasadyang pagkatapos nilang grumadweyt nang high school ay magkakahiwalay sila nang landas. Na-destino ang tatay ni Weng sa Maynila at kinailangan nilang lumipat. Hanggang sa pagtapos nang kolehiyo ay hindi na sila nagkita ni makapagusap man lang.

Makalipas ang ilang taon…

Isang araw, napanaginipan nanaman ni Boyet ang mga tutubi. Pero siya na ang kinakausap. Nagising siya at ang una niyang napansin ay isang tutubing karayom na kulay pula. Nakapasok ata sa bintana nang kanyang silid at nakadapo sa kaniyang lapis. Naalala niya ang unang araw na nakilala niya ang kaniyang kaibigan at siya’y napangiti.

Sa kanyang pagbangon minabuti niyang kumain muna. Ang kanyang almusal ay dalawang pancit canton na maangahang at pandesal na lamig mula kahapon ay ang magdadala sa kanya hanggang sa tanghalian. Nagtimpla pa siya nang kape para mainitan ang kanyang tiyan. May magsasampung taon na pala silang hindi nagkikita nang kaibigan. May mga balita siya sa mga nakasalimuha niyang kaklase noong high school pero hanggang doon lang. Nakalipat na rin siya sa Maynila at doon na rin nakapaghanap nang trabaho. Marami din siyang pagkakataong pinalampas dahil sa takot niyang sumubok ng hindi niya nakasanayan.

Napagisipan niyang balikan ang gulong. Day off naman niya at tutal, matagal na rin siyang hindi nakakadalaw sa lugar nila. Bitbit ang mga pasalubong galing Maynila, lumuwas siyang umaasang may makukuhang balita tungkol sa kaibigan.

—————————-

“Ang ganda naman ng mga paru-paro dito…” ang malaking bakanteng lote ay papatagin at patatayuan na ng gusali. Parang may alaalang kumirot sa kanyang puso bigla.

Matagal tagal na ring hindi napapadpad si Weng sa lugar na iyon. Malapit na rin itong ikasal sa isang lalakeng hindi nito gusto. Pambayad utang daw sa naluging negosyo nang magulang. Napagkasunduang ipakasal ito sa anak nang isa nilang pinagkakautangan at babayaran daw nito lahat nang mga utang nila. Kahit ayaw ni Weng, ay napapayag din siya. Hindi na siya malaya. Pag tinakasan niya ito ay mahihirapan ang kaniyang mga magulang. Parang hindi niya kayang maging sanhi ng kanilang kahirapan.

Di niya inaasahang mapadpad ulit sa lugar kung saan siya lumaki. May itatayo kasing malaking supermarket doon at sinu-survey niya ang lugar na pagpapatayuan nito. Marketing Research ika nga, kung magiging interesado ba ang mga tao na mamili sa Supermarket nang kompanya nila. May ilang araw lang na palugit para kumuha nang datos at wala siyang oras mag-munimuni.

Alas kwatro nang hapon, nakita niya ang maliit na palaruan pagkasurvey sa isang pamilyar na lugar. Napangiti ito. Andun pa ang gulong kung saan sila naglalaro ni…

…hindi na niya maalala ang pangalan nito. Parang kay tagal na nang panahong lumipas. Ang alam niya, naaalala niya ito tuwing nakakakita nang paruparo at napapangiti kapag tutubi. Tinigil niya ang kotse at naglakad papunta sa palaruan. Malapit na palang bumaba ang araw. Kaunti na lang ang mga tutubi sa paligid. Tinignan niya ang minarkahan nilang parte nang puno.

“Tutubi / ParuParo”

“Boyet nga pala ang pangalan ni ParuParo.” bulong nito sa sarili habang siya ay tumayo.

Paglingon nito ay may nakita siyang lalaki na nakatingin sa kanya.

“Ikaw ba iyan, tutubing karayom?”

“Paru-Paro?”

Lumapit si Boyet nang marahan at tinitigan ang kaibigan. Nagkangitian sila. Kay tagal na nga naman ng panahon na lumipas. Nag-kuwentuhan sila tungkol sa mga karanasan nila sa buhay hanggang sa unti-unting namula ang langit.

Naunang humiga sa damuhan si Weng at sumunod si Boyet.

“Makakalipad pa ba ako nang ganyan kataas Boyet?” nakatingin na ito sa langit.  Dumami na ang mga tutubi sa langit.  Nagmimistulang mga aninong pula ang pakpak.  Mabagal, at halatang gusto nila ang ganon kataas.

“Hapon na sa buhay natin. Di mo ba kayang subukan?” hindi gumalaw sa kinaroroonan si Boyet.  Gusto niyang abutin ang langit pero wala rin siyang ginagawa.

“Sabi mo tutubi ako, pero ako pala ang paru-paro…”

“Kailangan mo lang nang konting hangin. Sa iyo lang din ito manggagaling, Weng.”

“Ikaw, ano pa ang nangyari sa iyo? Bakit hindi ka pa kinakasal?” bumalik ang mga alaala ng mga nakalipas ni Boyet at napangiti ito.

“Masyadong mahigpit ang pagkahuli sa akin at nasira ang aking mga pakpak. Hanggang dito na lang din ako siguro.”

“Hanggang ngayon pa ba ay iniisip mo pa rin na ikaw ay isang paru-paro?”

“Hindi naman. Pero na takot akong lumipad ngayon.”

Katahimikan ang naging sagot ni Weng. Masarap ang hangin na humalik sa kanilang mga pisngi. Hindi rin sila gumalaw hanggang sa tuluyan nang lumubog ang araw. Mariin ang kapit sa kamay ng isa’t isa.

“Huy…” bulong ng isa sa kanila. “Pwede nga ba magsama ang tutubi at ang paru-paro?”

………………………………………

Tanging mga bituin na lang na nagsisisultputan ang makakapagsabi kung ano ang mangyayari sa kanila.

wakas